“Matindi ang epekto ng halik ni Justin. Hindi siya niyon basta pinatuntong sa ulap gaya ng sabi-sabi. Kundi pakiramdam niya, nakarating siya sa langit. It was indeed pure bliss…”
“Isinusumpa ko, hindi kayo kailanman liligaya! Lalayuan kayo ng suwerte at hahabulin kayo ng malas! Mga kampon ng dilim!
Iyon ang sumpang inabot ni Salve at ng kanyang mga kaibigan nang magkamali sila ng ginulong kasal. April Fool’s Day pero sila ang pinakamatinding tinamaan ng prank na sila mismo ang nag-umpisa. Para makontra iyon, kumonsulta sila sa isang manghuhula. Dahil kasal daw ang ginulo nila kaya kasal din ang solusyon: Kailangan nilang makapag-asawa sa lalong madaling panahon!
Problemado si Salve dahil wala siyang boyfriend na puwedeng ipangontra sa sumpa. Bukod pa roon, hinahabol siya ng malas—este ni Justin, ang groom sa kasal na ginulo nila. Hinihingi ng lalaki ang tulong niya para hanapin ang nag-run away na bride nito. Walang problema, lalo pa at nakokonsiyensiya rin siya.
Habang tinutulungan si Justin, na-realize ni Salve na maaaring ang lalaki mismo ang maging pangontra niya sa bagsik ng sumpa. Dahil sa matinding desperasyon, natagpuan niya ang sarili na inaangkin si Justin bilang fiancé.